< Mga Katanungan sa Biblia mula sa 2 Juan

 

T: Sa 2 Jn 1 at 3 Jn 1, paano natin nalalaman na si Juan na apostol ang sumulat ng mga aklat na ito?

S: Hindi sinasabi ng mga aklat kung sino ang sumulat ng mga ito; datapuwa't si Juan, sa kaniyang Evangelio at sa 1 Juan, ay hindi nagnanais na banggitin ang sarili niyang pangalan. Ang 2 at 3 Juan ay may estilong kahawig ng sa 1 Juan at ng Evangelio ni Juan.

 

T: Sa 2 Jn 1, 5, sino ang hirang na ginang?

S: May dalawang pananaw tungkol sa kung sino ang hirang na ginang.

Isang Tiyak na Ginang: Isang tiyak na ginang sa unang iglesia, na hindi na natin nakikilala ngayon.

Alegorikal: Ang iglesia sa pangkalahatan. Ang iglesia ay tinatawag na kasintahang babae ni Cristo sa Juan 3:29; Apocalipsis 21:2,9; 22:17; at Efeso 5:25-33.

   Yamang ginagamit ni Juan ang pangmaramihang “kayo” sa 2 Juan 8, at ipinamamanhik niya na mangag-ibigan sila sa isa't isa sa 2 Juan 5, ang sulat ay talagang ipinadala hindi lamang sa isang ginang, kundi sa isang ginang at sa kaniyang mga anak. Ang isang babae at ang kaniyang binhi ay binabanggit din sa Apocalipsis 12:17.

 

T: Sa 2 Jn 7, sino ang tinutukoy ni Juan na ayaw magpahayag “na si Jesucristo ay naparitong nasa laman”?

S: Nang malaon ay lumitaw ang dalawang pangkat ng mga tao na tumatangging si Jesus ay naparitong “nasa laman.” Itinuro nila na si Jesus ay tulad ng isang malikmata, na tila lamang may katawang pisikal.

Mga Proto-Gnostiko ang tawag sa mga naniniwala na ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng lihim at mahiwagang kaalaman, na ang sanglibutang pisikal ay masama, at na si Jesus ay isang malikmata. Tingnan ang pagtalakay sa 1 Juan 1, “Sino ang mga Gnostiko?”, para sa kaunti pang kaalaman. Para sa lalong malawak na kaalaman, tingnan ang Against Marcion ni Tertuliano (204 pahina, 207 A.D.), ang Refutation of All Heresies ni Hipolito (222-235/6 A.D.), ang Against Heresies ni Ireneo (182-188 A.D.), at ang Stromata ni Clemente ng Alejandria (193-202 A.D.).

Mga Doceta naman ang iba pang tumatangging si Jesus ay naparitong nasa laman.

Sa dalawang pangkat na ito, ang ganitong pananaw ay malamang na nagmula sa pilosopiyang Griego, na nagtuturong ang materya ay marumi. Kung si Jesus ay sakdal at walang kasalanan, hindi Siya maaaring magkaroon ng katawang yari sa materya; gayon ang takbo ng kanilang pilosopiya.

 

T: Sa 2 Jn 7 at 1 Jn 2:18,22, ang Anticristo ba ay isang tao?

S: Oo. Bagaman mayroon ding espiritu ng anticristo, ang Anticristo ay isang tao na magsasabing, “Ako nga,” at magdaraya sa mga tao bilang isang bulaang Cristo, gaya ng ipinakikita ng Mateo 24:23-24. Ang Anticristo ay hindi si Satanas, kundi isang tao na gagamitin ni Satanas.

 

T: Sa 2 Jn 7 at 1 Jn 2:18,22, marami bang anticristo, o iisa lamang?

S: Iisa lamang ang pangunahing Anticristo ayon sa Mateo 24:4-5,26; Marcos 13:6,14; Lucas 21:8; Daniel 9:26-27; 11:36-37; 2 Tesalonica 2:3-4; at Apocalipsis 13:1-10. Gayon man, marami ang mga anticristong lalong mababa ang antas, gaya ng ipinakikita ng 1 Juan 2:18,22 at 2 Juan 7. Maaaring may kaugnayan ang pagkakaroon ng isang tao ng espiritu ng anticristo sa kaniyang kalooban (1 Juan 4:3) at ang inilalarawan ng mga sikologo bilang “Messiah complex,” ang akala ng isang tao na siya ang Mesias.

   Ang mga sumusunod na tao ay nagpahayag ng ganito tungkol sa kanilang sarili, o ipinahayag ito ng iba tungkol sa kanila.

…Ang Cristong Nagbalik

Grigori Rasputin (kahit man lamang ilang iba ang nagsabi nito)

Rev. Jim Jones ng Jonestown (namatay 11/18/1978)

Rev. Moon ng Unification Church

Jacob Katzan (1977-)

Guru Maharaj Ji ng Divine Light Mission

maraming gurong Hindu at New Age

…Isang Mesias ng mga Judio na Dumating sa Unang Pagkakataon

Sabbatai Sebi/Zvi. Noong Setyembre 1666 A.D., siya ay pinilit na maging Muslim.

Rabbi Schneerson ng New York (patay na ngayon)

malamang si Teudas sa Mga Gawa 5:36. Nagpanggap siyang isang dakila

…Ang Mahdi sa mga Relihiyong Shi’ita

Unang kalipang Fatimid na si ‘Obaidallah/’Ubaydullah (909-933/934 A.D.)

Imam al Husayn bin al-Kasim al-’Iyani (1010-1013 A.D.) (sektang Husayniiya Zaydite)

Mirza Ghulam Ahmad (1879 A.D., Kilusang Ahmadiyya)

Baha’u’llah (mga Baha’i) (1817-1892)

kapatid sa ama ni Baha’u’llah

Sliman Murshad ng Siria (1900-1949)

Ang kilusang Mahdista sa Sudan

marami pang iba

…Mga Mesias ng Zoroastrianismo, o mga Saoshyant

…Dios na Nakikita

Si Mohammed ay sinamba bilang Dios na nakikita ng Muhammidiyya

Si ‘Ali ay may pagka-Dios ayon sa ‘Ulyaniyya/’Alaya’iyya

‘Ali bin Abi Talib at Salman al-Farisi. Hindi nila inangkin na sila'y Dios, datapuwa't malaon nang pagkamatay nila ay sinamba sila ng ilang sektang ‘Alawite bilang isang uri ng tritheismong Muslim (paniniwala sa tatlong dios).

Panginoong Hakim (Ang mga Druze) (996-1021 A.D.)

Ang Dios ay umiral sa anyo ng lahat ng mga propeta ayon sa sektang Shi’ita na Rizamiyya / Muslimiyya

 

Narito ang isang bahagyang talaan ng mga taong tinawag ng iba na Anticristo.

Emperador Nero

John F. Kennedy

Benito Mussolini

Josef Stalin

Adolf Hitler

Haring George III (Himagsikang Amerikano)

Henry Kissinger

iba't ibang papa

 

T: Sa 2 Jn 8, paanong maiwawala ng mga Cristiano ang kanilang pinagpagalan?

S: Bagaman maaaring alisin ng Dios ang mga ari-ariang materyal ng mga Cristiano, ang mga kayamanang panglupa ay walang kabuluhan kung ihahambing sa mga gantimpalang panglangit na tinutukoy dito ni Juan. Hindi tayo gumagawa upang magtamo ng kaligtasan, datapuwa't tumatanggap tayo ng mga gantimpala sa Langit dahil sa ating mga gawa (1 Corinto 3:13-15). Ang mga ito ay maaari nating iwala ayon sa 2 Juan 8.

 

T: Sa 2 Jn 9, ano ba talaga ang “paglampas” (ang pagpapauna), at paano ito nauugnay sa hindi pananatili sa aral ni Cristo?

S: Kung ang iyong mga nasa at mga layunin ay karaniwang kaayon ng sa Dios, datapuwa't ibig mong gawin ang mga bagay ayon sa iyong kagustuhan, sa iyong sariling paraan, ikaw ay hindi sumusunod sa Dios. Ang kalooban ng Dios ay malimit na kinapapalooban ng matiyagang paghihintay, ng pag-ibig sa kapuwa sa pamamagitan ng pagbibigay-daan sa kanila, at ng sama-samang paggawa. Sa Tsina ay may isang pabula tungkol sa dalawang lasing na lalake na nagpaligsahan kung sino ang lalong mabilis na makaguguhit ng isang ahas. Ang isa ay nananalo na, nguni't sa natitirang panahon ay nilagyan niya ng mga kamay at mga paa ang ahas, kaya't siya'y inalis sa paligsahan. Isang mahalagang bahagi ng pagguhit, o ng paglilingkod, ang pagkaalam kung kailan dapat tumigil sandali o huminto nang lubusan. Ang paglilingkod sa Dios ay hindi lamang tungkol sa hantungan kundi pati sa paglalakbay.

 

T: Sa 2 Jn 9, ang pananatili ba sa aral ang nagbibigay sa iyo ng Ama at ng Anak, o ang pananatili ay nagpapakilala na nasa iyo na ang Ama at ang Anak?

S: Ipinakikita ng 1 Juan 2:23 na ito ay nagpapatunay na nasa atin ang Ama at ang Anak. Kung ang pananatili ay kailangan muna bago magkaroon ng Ama at ng Anak, kung gayo'y walang Cristiano na magkakaroon ng Ama at ng Anak hanggang sa siya'y mamatay.

 

T: Sa 2 Jn 10, ano ang tinutukoy nito?

S: May dalawang pangunahing pananaw na nagtutugma sa isa't isa.

Pagpapatuloy sa tahanan: Ang pinakakaraniwang pananaw ay na ang mga bulaang gurong ito ay hindi dapat tanggapin sa ating mga tahanan. Bagaman ang mga Cristiano ay dapat na mapagpatuloy sa pangkalahatan, ang ating mga tahanan at ang ating pagpapatuloy ay hindi dapat makatulong sa pagpapalaganap ng maling aral.

Pagpapatuloy sa iglesia: Yamang ang mga iglesia ay pangunahing nagtitipon sa mga tahanan hanggang sa ang Cristianismo ay pinahintulutan ng batas, ito ay tumutukoy sa dalawang bagay:

1. Sa tiyak na paraan, ang hindi pagtanggap sa mga naglalakbay na bulaang guro sa mga iglesiang nagtitipon sa bahay, at

2. Sa lalong malawak na paraan, ang hindi pagbibigay sa mga kasapi ng kulto ng pagkakataong mangaral ng maling doktrina.

   Tunay nga, walang hadlang upang ang dalawang pananaw ay kapuwa maging totoo.

 

T: Sa 2 Jn 10, dapat ba nating tanggapin kailan man ang mga hindi Cristiano sa ating mga tahanan?

S: Oo, ang mga Cristiano ay dapat na mapagpatuloy. Ang Roma 12:13 at 1 Timoteo 5:10 ay nag-uutos sa atin na magpatuloy sa ating tahanan nang hindi itinatakda na ito'y para lamang sa kapuwa Cristiano. Gayon man, sinasabi ng 2 Juan 9-11 na ang mga “lumalampas” at hindi nananatili sa aral ni Cristo ay hindi dapat tanggapin sa mga tahanan. Dalawang punto:

1. Sino sila? Ang mga lumalampas ay yaong mga nakarinig at nakaunawa sa kanilang isip ng aral ni Cristo, datapuwa't hindi nanatili roon, at ngayo'y nagtuturo ng ibang bagay. Kabilang sa mga taong ito ang mga tumalikod sa pananampalatayang Cristiano at ang maraming kasapi ng mga kulto.

2. Ano ang dapat nating gawin? Hindi natin sila dapat tanggapin sa ating mga tahanan ni batiin man lamang. Bagaman sinasabi ng ilang salin, gaya ng Ang Biblia, ang “sa inyong bahay” o “sa inyong tahanan,” ang salitang “inyong” ay wala sa Griego. Ang pagbabawal ay para sa mga iglesiang nagtitipon sa bahay at gayon din sa ating sariling mga tahanan. Ito'y kaayon ng 1 Corinto 5:11-13, na nagsasabing huwag tayong makisama sa sinomang tinatawag na kapatid nguni't namumuhay nang walang kabanalan.

   Tingnan din ang naunang tanong.

 

T: Sa 2 Jn 10, dapat ba nating tanggapin kailan man ang mga kasapi ng kulto sa ating mga tahanan?

S: Ang mga tunay na Cristiano ay hindi nagkakaisa ng pananaw tungkol dito.

Hindi: Marami, kabilang ang isang Cristiano na dating Saksi ni Jehova na nagngangalang William Schnell, ang nagsasabi na ang pagsunod sa talatang ito ay nangangahulugang huwag silang papasukin kailan man. Ang pagpapapasok sa kanila ay nagpapahiwatig ng pagnanais na matuto mula sa kanila. Isinulat ito ni William Schnell sa How to Witness to a Jehovah’s Witness.

Oo, sa ilang kalagayan: Ang layunin ng talata ay huwag kailan man ipadama sa kanila na iginagalang natin ang kanilang hidwang pananampalataya na nagpapahamak sa kaluluwa. Sa layuning maibahagi sa kanila ang Evangelio, ito ay katanggap-tanggap, basta't malinaw nating ipakilala na hindi natin sinasang-ayunan ni pinagtitibay ang kanilang mga paniniwala.

 

T: Sa 2 Jn 10, hindi ba natin dapat papasukin sa ating mga tahanan ang mga bulaang guro, o dapat ba nating ibigin ang ating mga kaaway, gaya ng sinasabi ng Mateo 5:44?

S: Kapuwa. Ang ipadama sa isang tao na katanggap-tanggap ang kaniyang kamaliang nagpapahamak sa kaluluwa ay isa sa pinakawalang-pag-ibig na bagay na magagawa mo sa taong iyon. Ang pag-ibig sa isang tao ay hindi lamang nangangahulugan ng pagiging malambot anoman ang kalagayan; kundi kung minsan ay kinapapalooban ito ng sapat na pagmamalasakit upang magpakita ng mahigpit na pag-ibig.

 

T: Sa 2 Jn 11, paanong natutulungan ng mga tao ang mga erehe?

S: Ang mga tao ay maaaring magbigay ng salapi, tirahan, at iba pang tulong na materyal sa mga erehe. Halimbawa, ang liberal na World Council of Churches ay nagbibigay ng salapi sa pangkat ng gerilya ni Robert Mugabe sa Rhodesia (ngayo'y Zimbabwe). Ang mga gerilyang iyon ay umuusig sa mga misyonero ng mga iglesiang kasapi ng World Council of Churches.

   Ang mga tao ay maaari ring magbigay ng pagsang-ayon sa mga erehe. Halimbawa, ang Pangalawang Pangulo na si Walter Mondale, ng Partido Demokratiko, ay sumulat ng ganito: “Ang pagkaalam sa malalim na pakikisangkot ng inyong kongregasyon sa mga pangunahing usaping panlipunan at pangkonstitusyon ng ating bansa ay isang malaking inspirasyon sa akin,” sa isang liham ng rekomendasyon para kay Rev. Jim Jones (na nang malaon ay naging kasumpa-sumpa dahil sa Jonestown), na ipinahayag sa madla noong 12/2/1978.

 

T: Sa 2 Jn, paano natin nalalaman kung ang taglay natin ngayon ay isang mapagkakatiwalaang pag-iingat sa orihinal na isinulat?

S: May hindi kukulangin sa tatlong dahilan.

1. Nangako ang Dios na iingatan ang Kaniyang salita sa Isaias 55:10-11; Isaias 59:21; Isaias 40:6-8; 1 Pedro 1:24-25; at Mateo 24:35.

2. Katibayan mula sa unang iglesia. Narito ang mga manunulat na tumukoy sa mga talata ng 2 Juan.

Ireneo (182-188 A.D.) ay sumisipi sa 2 Juan 10-11 bilang isinulat ni Juan, ang alagad ng Panginoon, sa Irenaeus Against Heresies aklat 1 kab.16.3 p.342.

Ireneo (182-188 A.D.) ay sumisipi sa 2 Juan 7-8a bilang isinulat ng alagad ng Panginoon sa kaniyang sulat. Irenaeus Against Heresies aklat 3 kab.16.8 p.443. Pinagpalit niya ang dalawang sugnay, datapuwa't bukod doon ay tumpak ang pagkakasabi, at ang pananalitang ito ay matatagpuan lamang sa 2 Juan 7-8a.

(pinagtatalunan) Origenes (225-254 A.D.) “Ano ang ating sasabihin tungkol sa kaniya na humilig sa dibdib ni Jesus, samakatuwid baga'y si Juan, na nag-iwan ng isang Evangelio, bagaman ipinahayag niya na makasusulat siya ng napakarami na hindi magkakasiya sa sanglibutan? Datapuwa't isinulat din niya ang Apocalipsis, nang siya'y utusang tumahimik at huwag isulat ang mga tinig ng pitong kulog. Datapuwa't nag-iwan din siya ng isang sulat na may iilang taludtod lamang. Ipagpalagay nang may ikalawa at ikatlo pa, sapagka't hindi lahat ay nagpapahayag na ang mga ito ay tunay; datapuwa't ang dalawang ito, kung pagsasamahin, ay hindi umaabot sa isang daang taludtod.” Commentary on John aklat 5 blg.3 p.346-347

Ang Kanong Muratoriano (170-210 A.D.) ANF tomo 5 p.603 ay bumabanggit sa dalawang sulat ni Juan.

Dionisio ng Alejandria (246-265 A.D.) ay mahabang tumatalakay sa mga tanong na may kinalaman sa 2 at 3 Juan, gayon din kung ang Apocalipsis ay isinulat o hindi ng siya ring Juan na sumulat ng Evangelio at ng 1 Juan. Fragmento 1 kab.4-5 sa Eusebius’ Ecclesiastical History (319-339/340 A.D.) aklat 7 kab.25 p.309-310.

Pagkatapos ng Nicea

Eusebio ng Cesarea (319-339/340 A.D.) ay mahabang tumatalakay sa mga pananaw ni Dionisio ng Alejandria sa mga tanong na may kinalaman sa 2 at 3 Juan, gayon din kung ang Apocalipsis ay isinulat o hindi ng siya ring Juan na sumulat ng Evangelio at ng 1 Juan. Eusebius’ Ecclesiastical History aklat 7 kab.25 p.309-310.

Atanasio (367 A.D.) ay hindi tumutukoy sa anomang tiyak na talata sa 1, 2, at 3 Juan, datapuwa't itinatala niya ang mga aklat ng Bagong Tipan sa Festal Letter 39 p.552

Hilario ng Poitiers (355-367/368 A.D.)

Synopsis Scripturae Sacrae (350-370 A.D. o ika-5 siglo) ay bumabanggit sa tatlong aklat ni Juan bilang bahagi ng Bagong Tipan. Sinisipi nito ang 2 Juan 1a.

Cirilo ng Jerusalem (c.349-386 A.D.) (di-tuwiran) ay bumabanggit sa pitong sulat nina Santiago, Pedro, Juan, at Judas. Catechetical Lectures Lektura 4 kab.36 p.27-28

Didimo na Bulag (398 A.D.) ay tumutukoy sa 2 Juan 9

Ang sismatikong si Lucifer ng Cagliari, Sardinia (361-c.399 A.D.) ay tumutukoy sa 2 Juan 8

Jeronimo (373-420 A.D.) ay sumisipi sa buong 2 Juan 1 bilang isinulat ni Juan. Letters of Jerome Sulat 146 kab.1 p.288

Agustin ng Hipona (388-430 A.D.) ay tumutukoy sa 2 Juan 3

Juan ng Damasco (706-749 A.D.) “...pitong Katolikong sulat, samakatuwid baga'y isa kay Santiago, dalawa kay Pedro, tatlo kay Juan, isa kay Judas...” Exposition of the Orthodox Faith aklat 4 kab.17 p.90

Katibayan mula sa mga erehe at sa mga huwad na aklat

Wala

3. Ang pinakamatatandang manuskrito ng 2 Juan na nasa atin ay nagpapakita na may maliliit na pagkakaiba sa mga manuskrito, datapuwa't walang kamaliang may kabuluhan sa teolohiya.

p74 (=Bodmer 17) Mga Gawa 1:2-5,7-11,13-15,18-19,22-25; 2:2-4; 2:6-3:26; 4:2-6,8-27; 4:29-27:25; 27:27-28:31; Santiago 1:1-6,8-19,21-23,25,27; 2:1-3,5-15,18-22,25-26; 3:1,5-6,10-12,14,17-18; 4:8,11-14; 5:1-3,7-9,12-14,19-20; 1 Pedro 1:1-2,7-8,13,19-20,25; 2:6-7,11-12,18,24; 3:4-5; 2 Pedro 2:21; 3:4,11,16; 1 Juan 1:1,6; 2:1-2,7,13-14,18-19,25-26; 3:1-2,8,14,19-20; 4:1,6-7,12,16-17; 5:3-4,9-10,17; 2 Juan 1,6-7,13; 3 Juan 6,12; Judas 3,7,12,18,24 (ika-7 siglo)

Ika-7 siglo - 1968 - The Text of the New Testament; taglay ang Santiago 2:4 at 1 Pedro 1:12

Ika-7 siglo - 1975 - Aland et al., ikatlong edisyon

Ika-6 siglo - 1998 - Aland et al., ikaapat na binagong edisyon

Uncial 0232 c.300 A.D. ayon sa The Complete Text of the Earliest New Testament Manuscripts (itinuturing ito ni Aland na mula sa ika-5 o ika-6 siglo) 2 Juan 1-9

Vaticanus [B] (325-350 A.D.), Sinaiticus [Si] (340-350 A.D.), at Alexandrinus [A] (c.450 A.D.) ay may buong 2 Juan.

Bohairikong Copto [Boh] ika-3/ika-4 siglo

Sahidikong Copto [Sah] ika-3/ika-4 siglo

Armenio [Arm] mula ika-5 siglo

Georgiano [Geo] mula ika-5 siglo

Etiope [Eth] mula c.500 A.D.

 

Tingnan ang www.BibleQuery.org/2 John Manuscripts.html para sa higit pang kaalaman tungkol sa mga unang manuskrito ng 2 Juan.